Nakahanda na ang Quezon City Police District (QCPD) para tiyakin ang ligtas at mapayapang pagdiriwang ng ika-128 anibersaryo ng Araw ng Kalayaan sa Biyernes, June 12.
Ayon sa QCPD, nasa 2,654 na mga personnel nito ang ide-deploy para pinaigting na police visibility, intelligence monitoring, traffic management, crowd control, at pagtugon sa ano mang emergency.
Tutulong din sa seguridad ang 147 force multipliers at 106 na tauhan mula sa iba pang ahensya ng pamahalaan.
Kasama sa tututukan ang mga pangunahing lansangan, lugar na pagdarausan ng mga aktibidad, transport hubs, at iba pang matataong lugar para matiyak ang kaayusan at kaligtasan ng publiko.
Kaugnay nito, hinimok naman ni QCPD Chief PBGen. Randy Glenn Silvio ang publiko na manatiling mapagmatyag, makipagtulungan sa mga awtoridad, at agad na iulat ang anumang kahina-hinalang aktibidad sa pinakamalapit na himpilan ng pulisya o sa QC Helpline 122 at E911.#