Naglunsad na ng fact-finding review ang Commission on Higher Education (CHED) kaugnay sa pagkasawi ng dalawang student-athletes ng Ateneo de Manila University na sina Rene Baterbonia at Divine Adili sa isang team training camp sa Dipaculao, Aurora.
Ayon sa CHED, kinakailangan ang masusi, patas, at agarang imbestigasyon para matukoy ang buong katotohanan sa nangyari.
Inatasan na rin ng komisyon ang pamunuan ng Ateneo na magsumite ng komprehensibong incident report at iba pang kaukulang dokumento para masuri kung nasunod ang mga umiiral na polisiya at pamantayan para sa kaligtasan ng mga estudyante.
Kasabay nito, nakibahagi na rin ang CHED sa Sports Stakeholders’ Panel na binuo ng Philippine Sports Commission (PSC) para repasuhin ang mga polisiya at pamamaraan kaugnay ng athletic training, team activities, at kapakanan ng mga student-athletes.
Binigyang-diin ng CHED na hindi dapat maisantabi ang kaligtasan at kapakanan ng mga mag-aaral, at dapat mapanagot ang sinumang mapatutunayang nagpabaya sa kanilang tungkulin.
“The Commission will pursue the truth without exception, ensure that accountability is imposed where warranted, and require corrective measures to prevent the recurrence of such tragedies. No institution, official, or individual responsible for student welfare is exempt from accountability.”
Una na ring nagpahayag ng pakikiramay ang CHED sa pamilya, teammates, at buong Ateneo community sa malungkot na sinapit ng dalawang atleta.