Kasabay ng pagdiriwang ng Araw ng Kalayaan, daan-daang oportunidad sa trabaho ang inihain sa mga naghahanap ng hanapbuhay sa isinagawang Kalayaan Job Fair sa SM Marikina ngayong araw.
Ayon kay Edelyn Galos, Senior Labor and Employment Officer ng DOLE-NCR, may kabuuang 1,202 bakanteng trabaho mula sa 26 na lokal na employer na inaalok sa job fair. Kabilang sa mga posisyong maaaring aplayan ang customer service representative, sales personnel, driver, janitor, rider, IT staff, technical staff, service crew, at cashier.
Bago mag-2:00 ng hapon, umabot na sa mahigit 50 aplikante ang agad na natanggap o hired on the spot.
Bukod sa mga employer, naroon din ang iba’t ibang ahensya ng pamahalaan bilang one-stop shop upang mapadali ang pagproseso ng mga kinakailangang dokumento ng mga aplikante.
Bukas ang Kalayaan Job Fair mula 8:00 ng umaga hanggang 5:00 ng hapon bilang bahagi ng patuloy na pagsisikap ng pamahalaan na makapagbigay ng mas maraming oportunidad sa trabaho para sa mga Pilipino.