Laging handang tumugon ang ating Migrant Workers’ Office (MWO) sa Prague, Czech Republic sa mga katanungan ng mga overseas Filipino worker (OFWs) na nasa mga bansang nasa ilalim ng kanilang hurisdiksyon.
Sa kabila ng limitadong bilang ng MWO staff, hindi nagiging balakid ito sa pagtupad ng pangunahing tungkulin ng tanggapan na maghanap at masiguro ang tamang accreditation ng mga kumpanyang nais na mag-hire ng mga manggagawang Pilipino.
Kasama rin sa mandato ng MWO-Prague ang tiyakin ang kaligtasan ng mga OFW, gayundin ang mga karapatan ng mga ito, at maibigay ang tamang serbisyo para sa mga tinaguriang bagong bayani.
Sa panayam ng Radyo Pilipinas World Service, hinikayat ni MWO-Prague Labor Attaché Llewelyn Perez ang mga OFW na gumamit ng iba’t ibang platform upang maipahatid ang kanilang mga concern.
Ani LabAtt Perez, patuloy silang maglalatag ng mga bagong programa upang mas lalong maipadama sa mga OFW ang presensya ng ating pamahalaan — saan mang dako ng mundo.