Pangkalahatang naging mapayapa at maayos ang pagdiriwang ng ika-128 Anibersaryo ng Araw ng Kalayaan.
Ayon kay Philippine National Police (PNP) Chief PGen. Jose Melencio C. Nartatez Jr., walang naitalang major untoward incidents sa mga kilos-protesta at mga aktibidad na isinagawa ngayong araw.
Kanina pinangunahan nina Nartatez at DILG Secretary Jonvic Remulla ang pagmomonitor sa sitwasyon mula sa PNP Command Center sa Camp Crame kasama ang iba pang opisyal ng Pambansang Puliysa.
Sa pamamagitan ng real-time coordination mula sa mga field unit, tiniyak ng PNP na mapayapa at maayos ang mga isinagawang pagtitipon sa buong bansa.
Una nang isinailalim ng PNP sa full alert status ang mga Police Regional Office at mga National Support Unit para sa pagdiriwang.
Matatandaang 89,000 pulis ang idineploy sa buong bansa upang magbigay seguridad sa mga gagawing aktibidad, transportation hubs, tourist destinations at iba pang lugar na inaasahang dadagsain ng publiko. | ulat ni Diane Lear