Siniguro ng National Irrigation Administration (NIA) ang tuloy-tuloy na alokasyon ng tubig-irigasyon sa mga lupang sakahan sa kabila nang pagtama ng Magnitude 7.8 na lindol sa Saranggani nitong Lunes.
Sinabi ni NIA Administrator Engineer Eddie Guillen, maliit lamang na bitak at pansamantalang naputol ang ilang irrigation canal sa SOCCSKSARGEN na kayang kumpunihin sa loob lamang ng dalawang linggo.
Ayon pa sa opisyal, nakatakda sa susunod na buwan ang paglalabas ng tubig-irigasyon mula Antong Dam sa Sultan Kudarat.
Umabot naman sa ₱50 milyon ang halaga ng napinsala sa mga pasilidad ng ahensya dulot nang malakas na lindol habang walang naitalang pinsala sa mga dam sa Mindanao dulot nang malakas na pagyanig.
Samantala, ibinida rin ng opisyal na mas lalong tumitibay ang mga earth-filled dam kapag tinatamaan ng lindol dahil nagiging siksik pa ang lupa.
Punto pa ng opisyal, nagagamit na ang mga biniling malaking makinarya ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa mga ganitong sitwasyon.
Nakahanda rin ang ahensya na tugunan ang banta ng Very Strong El Niño na tatama sa bansa hanggang 2027. | via Christopher Tirambulo