Binigyang-diin ni Foreign Affairs Secretary Ma. Theresa Lazaro na ang pagtatanggol sa soberanya ng Pilipinas, partikular sa West Philippine Sea, ay pagpapatuloy ng diwa ng kalayaang ipinaglaban ng ating mga bayani.
Ito ang naging sentro ng kanyang mensahe sa pagdiriwang ng ika-128 Anibersaryo ng Araw ng Kalayaan sa Pinaglabanan Shrine sa San Juan City.
Sa kanyang talumpati, sinabi ni Lazaro na ang tunay na katatagan ng mga Pilipino ay hindi lamang ang kakayahang makabangon sa mga pagsubok kundi ang matapang na paninindigan para sa pambansang interes.
Aniya, sa pamamagitan ng United Nations Convention on the Law of the Sea o UNCLOS at ng 2016 Arbitral Award, patuloy na ipinaglalaban ng bansa ang soberanya at mga karapatan nito sa West Philippine Sea.
Ayon pa sa kalihim, ang laban para sa soberanya ay hindi lamang usaping legal kung hindi usapin din ng proteksiyon sa kabuhayan ng mga Pilipinong mangingisda at sa kanilang karapatang makapangisda sa sariling karagatan.
Binigyang-diin din niya ang papel ng diplomasya sa paglikha ng trabaho, pag-akit ng pamumuhunan, at pagprotekta sa mga Pilipino sa ibayong dagat.
Hinimok ni Lazaro ang mga Pilipino na isabuhay ang diwa ng Pinaglabanan sa pamamagitan ng aktibong pakikilahok sa pag-unlad ng bansa at pagtatanggol sa kalayaan.
Aniya, ang kalayaan ay dapat araw-araw na ipinaglalaban at pinangangalagaan para sa susunod na henerasyon.#