Kinumpirma ng Philippine Coast Guard (PCG) na nananatili pa rin sa loob ng Bajo de Masinloc ang floating platform na inilagay ng China ilang araw na ang nakalipas.
Sa Saturday News Forum, sinabi ni PCG Rear Admiral Jay Tarriela na namataan pa rin ang naturang istruktura sa loob ng shoal, ngunit lumipat na ito mula sa gitnang bahagi patungo sa hilagang bahagi ng lugar.
Dahil dito, muling nagpahayag ng pangamba ang National Task Force for the West Philippine Sea na posibleng bahagi lamang ito ng mas malawak na hakbang ng China upang palawakin ang kontrol nito at magtayo ng mga pasilidad sa pinagtatalunang karagatan.
Nananatili rin umano sa loob ng Bajo de Masinloc ang dalawang research vessel ng China na patuloy na mino-monitor ng PCG sa pamamagitan ng maritime patrols at public domain awareness campaign.
Ayon naman kay maritime security expert at UP Professor Jay Batongbacal, nakababahala ang paglalagay ng floating platform dahil maaari itong mauwi sa sitwasyong katulad ng nangyari sa Mischief Reef, na kalaunan ay naging isa sa pinakamalalaking military outposts ng China sa West Philippine Sea.
Ayon sa kanya, nagsimula rin ito noon bilang pasilidad para sa mga mangingisda bago tuluyang lumawak ang presensya ng China sa lugar.