Kumpiyansa ang National Electrification Administration (NEA) na matapos ngayong araw, Hunyo 13, 2026, ang pagpapanumbalik ng suplay ng kuryente sa mga lugar na sakop ng South Cotabato II Electric Cooperative (SOCOTECO II) na naapektuhan ng lindol sa Mindanao.
Ayon sa ulat ng Task Force on Energy Resiliency, mahigit 97% na ng mga consumer connection sa General Santos City ang naibalik, habang higit 99% naman ang restoration rate sa Kiamba, Maitum, Maasim, Polomolok, Tupi, Alabel, at Malungon.
Sa Malapatan, umabot na sa halos 99% ang naibalik na mga koneksyon.
Samantala, patuloy pa rin ang pagsasaayos sa mga natitirang linya sa iba pang apektadong lugar upang makamit ang 100% na serbisyo.
Sa franchise area ng Davao del Sur Electric Cooperative (DASURECO), nasa 93.38% na ang naibalik na mga koneksyon sa Jose Abad Santos. Gayunman, patuloy pang sinusuri ang sitwasyon sa Sarangani, kung saan 23.20% pa lamang ng serbisyo ang naibabalik, kaya wala pang inilalabas na target date para sa ganap na restorasyon.