Umabot na sa 8,865 kabahayan ang ganap na nawasak, habang 36,691 naman ang bahagyang nasira dahil sa malakas na lindol na tumama sa Mindanao.
Batay sa pinakahuling ulat ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), mahigit 2,000 pamilya, katumbas ng 3,393 indibidwal, ang pansamantalang nanunuluyan sa mga evacuation center hanggang kagabi.
Mas marami namang apektadong pamilya ang nakikitira muna sa kanilang mga kamag-anak at kaibigan habang patuloy ang pagbangon mula sa epekto ng kalamidad.
Ayon sa datos ng DSWD-Disaster Response Operations Monitoring and Information Center (DROMIC), umabot na sa mahigit 137,000 pamilya o higit 553,000 indibidwal mula sa 401 barangay ang naapektuhan ng lindol.
Ang mga apektadong residente ay mula sa Regions 9, 11, at 12, gayundin sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
Samantala, higit PHP 84 milyon na halaga ng humanitarian assistance ang naipamahagi na ng DSWD sa mga pamilyang naapektuhan ng lindol.