Pinag-aaralan ngayon ng Pilipinas at Sweden ang mas malalim na ugnayan sa larangan ng enerhiya, digitalization, manufacturing, at iba pang estratehikong sektor na inaasahang magpapalakas sa ekonomiya at lilikha ng mas maraming dekalidad na trabaho para sa mga Pilipino.
Sa isang courtesy meeting kasama ang delegasyon ng Sweden, binigyang-diin ni Finance Secretary Frederick Go ang layunin ng pamahalaan na makahikayat ng mga pamumuhunan na magbubunga ng trabaho at magpapalakas sa kompetitibidad ng ekonomiya ng bansa.
Ipinunto rin ng kalihim ang interes ng gobyerno sa mga pamumuhunan sa renewable at clean energy, gayundin sa digital technologies tulad ng artificial intelligence at cybersecurity.
Sa panig ng Sweden, binigyang-diin ni Trade Commissioner Johan Lennefalk ang malawak na karanasan ng kanilang bansa sa fossil-free at renewable energy technologies.
Malugod ding tinanggap ng Pilipinas ang posibleng partnership sa healthcare, agrikultura, food security, electronics, mineral processing, at services sector na inaasahang magpapalakas pa ng investment at employment opportunities.
Samantala, umaasa si Swedish Ambassador sa Pilipinas Anna Ferry na mas mapapabilis at mapapadali ang proseso ng grants upang mas makahikayat ng mas maraming proyekto at pamumuhunan. Ayon sa magkabilang panig, ang pinalalalim na ugnayan ng Pilipinas at Sweden ay patunay ng iisang adhikain para sa sustainable growth, inobasyon, at mas matibay na kooperasyong pang-ekonomiya.