Pumalo na sa mahigit 5,600 tripulanteng Pinoy ang nananatiling stranded sakay ng daan-daang commercial at cruise vessels sa Persian Gulf at Gulf of Oman dahil sa patuloy na pagkaantala ng maritime traffic bunsod ng mga banta sa seguridad na may kaugnayan sa umiigting na tensyon sa pagitan ng Estados Unidos, Israel, at Iran malapit sa Strait of Hormuz.
Sinabi ng Department of Migrant Workers (DMW) na kabilang ang mga Pilipino sa tinatayang 20,000 international seafarers na naapektuhan ng mga operational restrictions.
Ayon sa DMW, nailikas na nila ang nasa 1,100 tripulante mula sa Persian Gulf sa pamamagitan ng coordinating operations na isinagawa katuwang ang iba’t ibang commercial vessels at cruise ships.
Patuloy namang mino-monitor ng DMW ang mga barkong may sakay na mga Pilipino upang matiyak na mayroon silang sapat na pagkain, inuming tubig, gamot, at iba pang pangunahing pangangailangan.
Inatasan din ang mga licensed manning agencies na regular na magbigay ng update tungkol sa kalagayan ng mga marino at tiyaking mayroon silang sapat na suplay habang nananatili sa dagat. Nakikipag-ugnayan din ang pamahalaan sa mga foreign government, ship owners, at iba pang stakeholders upang maisagawa ang posibleng repatriation ng mga tripulanteng Pilipino