Naglabas ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) at Philippine Postal Corporation (PHLPost) ng mga commemorative banknote, coin, at stamps bilang bahagi ng pagdiriwang ng ika-125 anibersaryo ng Korte Suprema.
Pinangunahan ni Chief Justice Alexander Gesmundo ang paglulunsad ng mga naturang koleksiyon sa Supreme Court Session Hall sa Maynila kasama ang mga opisyal ng BSP at PHLPost.
Kabilang sa inilunsad ang ₱3,000 commemorative banknote na kauna-unahang salaping papel ng BSP na may vertical na disenyo, at ₱125 commemorative coin na sumisimbolo sa kasaysayan at pamana ng Korte Suprema.
Naglabas din ang PHLPost ng apat na espesyal na disenyo ng selyo na nagpapakita ng mahahalagang bahagi ng kasaysayan at mga gusali ng SC.
Ayon sa Korte Suprema, ang mga commemorative pieces ay magsisilbing paalala ng 125 taon ng paninindigan ng hudikatura sa pagtataguyod ng batas, pangangalaga sa karapatan ng mamamayan, at pagpapatibay ng demokrasya sa bansa.
Ang mga commemorative banknote at coin ay mabibili sa BSP at sa bagong bukas na SC Gift Shop, habang ang mga selyo ay mabibili sa PHLPost Central Office at SC Gift Shop.


