Pinag-iingat ngayon ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (DOST-PHIVOLCS) ang publiko kaugnay sa mga kumakalat na fake news o maling impormasyon hinggil sa magnitude 7.8 na lindol sa Sarangani.
Ilan lang sa kumakalat na fake news ang umano’y nakaambang magnitude 8.2 na lindol na mangyayari sa isang tiyak na oras.
Paliwanag ng PHIVOLCS, walang kasalukuyang teknolohiya na kayang magtukoy ng eksaktong araw at oras kung kailan mangyayari ang lindol.
Itinanggi rin ng ahensya ang pahayag na dulot ng mga bulkan sa ilalim ng Sarangani Bay ang lindol dahil ang lindol ay tectonic o dulot ng paggalaw ng Cotabato Trench at wala umanong aktibong bulkan sa ilalim ng Sarangani Bay.
Nilinaw din ng PHIVOLCS na ang mga bitak na nakita sa ilang bahagi ng bundok, baybayin, at ilog ay hindi mga active fault na pinagmulan ng lindol.
Dahil dito, pinaalalahanan ng ahensya ang netizens na huwag basta maniwala sa mga nababasa online at sumangguni lamang sa mga opisyal na impormasyon mula sa DOST-PHIVOLCS.

