Nakabalik na ang mga pasyente at normal na muli ang operasyon ng Sarangani Provincial Hospital at Dr. Jorge P. Royeca Hospital sa General Santos City matapos maisagawa ang rehabilitasyon ng mga pasilidad na napinsala ng Magnitude 7.8 na lindol sa Southern Mindanao.
Ayon kay Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Vince Dizon, inatasan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang DPWH na pabilisin ang pagsasaayos ng mga nasirang ospital upang matiyak ang tuloy-tuloy na serbisyong medikal sa mga apektadong lugar.
Sinabi ni Dizon na mahalaga ang agarang rehabilitasyon upang maipagpatuloy ang pangangalaga sa mga pasyente, lalo na ang mga malubhang nasugatan dulot ng lindol.