Patuloy ang paglago ng koleksyon ng Bureau of Internal Revenue (BIR) na nakalikom ng ₱279-billion gross revenue noong Mayo 2026.
Ayon sa BIR, lagpas na naman ito sa kanilang target collection at mas mataas ng 14.15% o katumbas ng karagdagang ₱34.6-billion kumpara sa kaparehong buwan noong nakaraang taon.
Sa kabuuan, pumalo na sa ₱1.434 trilyong piso ang koleksyon ng BIR mula Enero hanggang Mayo na mas mataas ng ₱74.5 billion kumpara noong 2025.
Ayon kay BIR Commissioner Charlito Martin Mendoza, ang mataas na koleksyon ay dulot pa rin ng pinalawig na filing season at pakikiisa ng taxpayers sa pagtupad ng kanilang obligasyon.
Kasabay nito, tiniyak naman ng BIR na patuloy din ang mga ipinatutupad na reporma sa ilalim ng BIR-DARES agenda, kabilang ang pagpapalakas ng digital services, pagpapadali ng proseso para sa taxpayers, at mas mahigpit na compliance monitoring.
“The May results show that revenue growth and BIR-DARES reforms can move together. We will continue to support taxpayers through clearer rules, simpler processes, and better digital services, while protecting the revenue base through stronger enforcement and compliance monitoring,” ani Commissioner Mendoza.