Bumagsak ang presyo ng langis sa pandaigdigang merkado habang lumakas naman ang global stock market, kabilang na ang Philippine stock index, matapos kumpirmahin ng Estados Unidos at Iran ang balangkas ng kasunduan na magwawakas sa giyera.
Batay sa ulat ng Al Jazeera, nagdulot ng malaking kaluwagan at kumpiyansa sa mga mamumuhunan ang anunsyo kaugnay ng peace deal, na nagbunsod din sa mabilis na pag-angat ng mga pangunahing pandaigdigang stock kabilang ang index sa Asia-Pacific region.
Sa unang bahagi ng kalakalan nitong Lunes, sumipa nang 5.5 porsiyento ang Nikkei 225 ng Japan, samantalang umakyat naman nang hanggang 5.7 porsiyento ang Kospi ng South Korea.
Bumagsak ang presyo ng krudo sa merkado dahil sa inaasahang muling pagbubukas ng Strait of Hormuz, isang kritikal na daanan ng suplay ng langis sa buong mundo na nauna nang naapektuhan ng tensiyon.
Bagamat patuloy pang inaayos ang mga teknikal na bahagi ng kasunduan bago ang nakatakdang pirmahan sa Switzerland, kabilang sa mga pangunahing napagkasunduan ang agarang ceasefire, pagbubukas ng Strait of Hormuz at negosasyon sa mga susunod na animnapung araw.
Ipinahayag ng mga economic analyst na ang hakbang na ito ay nag-alis sa matinding pangamba ukol sa mas malawak na krisis sa enerhiya at inaasahang magpapatuloy ang positibong trend sa stock exchange, partikular sa Europa at Amerika.