Patuloy pa rin ang naitatalang pagyanig sa Mindanao kasunod ng magnitude 7.8 na lindol na tumama sa Offshore Sarangani.
Ayon sa PHIVOLCS, umabot na sa 6,652 ang naitalang aftershocks, kung saan 1,575 ang plotted at 80 naman ang naramdaman ng mga residente.
Ang lakas ng aftershocks ay nasa pagitan ng magnitude 1.2 hanggang 6.4.
Kahapon, nakapagtala pa ang PHIVOLCS ng magnitude 5.8 na aftershock sa Sarangani na naramdaman hanggang Intensity 5 sa Sarangani, General Santos City, at Davao Occidental.
Samantala, nag-install ang PHIVOLCS Quick Response Team (QRT) ng anim na temporary seismic stations sa mga lugar na apektado ng lindol para masubaybayan ang aktibidad ng mga aftershock at makapagbigay ng mas mabilis at tamang impormasyon sa publiko.
Kabilang sa mga lugar na nilagyan ng temporary seismic stations ang Kiamba, Sarangani; Jose Abad Santos, Davao Occidental; Glan, Sarangani; Balut Island, Sarangani; Santo Niño, South Cotabato; at Sen. Ninoy Aquino, Sultan Kudarat.