Bumagal na nitong Mayo ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin at serbisyo, at ito ay natulungan nang agaran at naka-target na pagtugon ng Marcos administration sa dagok na hatid ng krisis sa Middle East.
Iniulat ng Philippine Statistics Authority (PSA) noong Hunyo 5 na ang inflation nitong Mayo bumaba sa 6.8 porsiyento mula 7.2 porsyento noong Abril. Kaya naman ang average na inflation rate mula Enero ay 4.5 porsiyento lamang.
Sinabi ng Department of Economy, Planning, and Development (DEPDev) na malaki ang naitulong ng mga programa ng Unified Package for Livelihoods, Industry, Food, and Transport (UPLIFT) para maibsan ang bigat ng epekto nang pagtaas ng pandaigdigang presyo ng langis.
Ang UPLIFT ay nilikha ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., bilang isang komprehensibong balangkas nang pagtugon ng buong pamahalaan sa problema sa Middle East.
Sa ilalim ng UPLIFT, nagpatupad ang pamahalaan ng service contracting at nagbigay ng cash assistance at fuel discount sa mga drayber ng sasakyang pampublikong at pang-deliver ng pagkain at iba pang bilihin. Dahil dito, naiwasan ang pagtaas ng pamasahe at gastos sa delivery.
Kaya naman tumaas lamang ang gastos sa transportasyon ng 16.2 porsiyento noong Mayo, higit na mababa kumpara sa 21.4 porsiyento noong Abril.
Nakatulong din ang pagbaba ng presyo ng diesel at gasolina.
“Bagama’t nananatiling mataas ang pandaigdigang presyo ng langis, ang inflation sa transportasyon ay nagsimulang bumagal,” sabi ni DEPDev Secretary Arsenio M. Balisacan.
Sinabi niya na ang napapanahon at naka-target na mga tugon ng gobyerno ay nakakatulong na mabawasan ang epekto ng mga panlabas na shock sa mga Pilipino.
Ayon kay Balisacan, patuloy na ipatutupad ng gobyerno ang napapanahon, mahusay, at naka-target na mga hakbang upang higit pang protektahan ang mamamayan.
Kabilang sa mga hakbang na ito ang pagpapalawak ng tulong sa mga nangangailangang sektor, pagtiyak sa supply ng diesel at iba pang fuel, at pagpapalawak ng gamit ng renewable energy.
“Ang gobyerno, sa pamamagitan ng UPLIFT Committee, ay patuloy na magmamatyag sa inflation at magpapatupad ng mga hakbang upang palakasin ang lokal na produksyon ng pagkain, mapabuti ang logistics at market efficiency, at matiyak na nakakatanggap ng napapanahong suporta ang mga vulnerable na sektor,” sabi ni Balisacan.