Photo courtesy of VCG (left photo), PCO (right photo)
Alas-10 ng umaga, inaasahan sa Malacañang si German President Frank-Walter Steinmeier at kabiyak nito na ngayon ay nasa ikalawang araw na ng state visit sa Pilipinas.
Ang lider ng Germany at asawa nito ay bibigyan ng arrival honors sa Kalayaan grounds ng Malacañang at mula doon ay pipirma sa guest book bago ang kanilang pribadong pag-uusap ni Pangulong Marcos.
Kasunod nito ay ang bilateral meeting nila ni Pangulong Marcos at ni President Steinmeier kung saan ay inaasahang mapag-uusapan ang tungkol sa pagnenegosyo, pamumuhunan, depensa, maritime cooperation, renewable energy at iba pang larangan na may kinalaman sa kooperasyon ng Pilipinas at Germany.
Inaasahang mayroon ding lalagdaang mga kasunduan na ipi-presenta sa pamamagitan ng Joint Press Conference.
Ito ang kauna-unahang state visit ng isang German head of state sa Pilipinas matapos ang mahigit anim na dekada, mula nang dumating sa bansa si dating German President Heinrich Lübke noong 1963.