Ngayong umiiral na ang El Niño sa Tropical Pacific, nanawagan ang PAGASA sa publiko na paigtingin ang paghahanda sa posibleng epekto nito sa bansa.
Ayon kay PAGASA Administrator Nathaniel Servando, maaaring magdulot ang malakas na El Niño ng mas mababang pag-ulan, matagal na tagtuyot, at kakulangan sa suplay ng tubig na makakaapekto sa mahahalagang sektor.
Sa ngayon, mahigit 80% na aniya ang posibilidad na tuluyang mabuo ang El Niño mula Hunyo hanggang Agosto, habang inaasahang lalakas pa ito mula Oktubre hanggang Disyembre at maaaring tumagal hanggang unang bahagi ng 2027.
Aniya, bagama’t sa mga susunod na buwan pa inaasahang mararamdaman ang mas malalaking epekto nito, mahalaga nang magsagawa ngayon ng paghahanda para mabawasan ang posibleng pinsala sa kabuhayan at maprotektahan ang buhay ng mga mamamayan.
Kaugnay nito, patuloy ang pakikipag-ugnayan ng PAGASA sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan upang makapaghanda sa epekto ng El Niño. Nakipagpulong din ang ahensya sa Office of Civil Defense upang talakayin ang mga hakbang para maibsan ang posibleng epekto ng El Niño.