Nagpaalala ang Philippine Coast Guard sa publiko kaugnay ng panganib na dulot ng rip current o malakas na agos ng tubig na maaaring humila sa mga naliligo palayo sa dalampasigan.
Ayon kay Coast Guard Special Operations Force Captain Brummel Magalong, malalakas ang alon sa Dipaculao, Aurora dahil nakaharap ito sa Pacific Ocean.
Sinabi ni Magalong na inatasan din ng PCG ang mga may-ari ng beach resort na maglagay ng mga babala upang paalalahanan ang mga turista na maging maingat at manatiling alerto habang naliligo sa dagat.
Payo rin ng opisyal na kung matangay ng rip current, iwasang labanan ang agos, manatiling kalmado at lumangoy pakaliwa o pakanan upang makalabas sa daloy bago bumalik sa dalampasigan.
Matatandaan na dalawang student-athletes ang nagbuwis ng buhay sa karagatang sakop ng Aurora kung saan malaki ang tsansa na magkaroon ng rip current.