Sinisikap ng National Electrification Administration (NEA) na maibalik ang normal na suplay ng kuryente sa Glan, Sarangani na siyang natitirang munisipalidad na nakararanas ng partial power interruption matapos ang lindol.
Ayon kay NEA Administrator Antonio Mariano Almeda, nag-deploy na ng 25 Task Force Kapatid teams para pabilisin ang power restoration efforts sa lugar. Kabuuang 179 personnel din mula sa iba’t ibang electric cooperatives ang ipinadala para tumulong sa South Cotabato II Electric Cooperative (SOCOTECO II) sa pagkukumpuni ng mga nasirang pasilidad.
Kabilang sa tinututukan ng NEA ang posibleng paglilipat ng 69-kilovolt sub-transmission line na nasa lugar na naapektuhan ng landslide.
Kasama si Almeda sa isinagawang assessment sa Sarangani ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., para talakayin ang patuloy na disaster response at rehabilitasyon sa mga naapektuhan ng malakas na lindol sa Mindanao.
📸 NEA

