Matagal nang hinaharap ng Pilipinas ang matinding kakulangan ng mga manggagamot. Sa kasalukuyan, nasa 7.92 doktor lamang ang mayroon sa bawat 10,000 mamamayan, na mas mababa sa itinakdang minimum na pamantayan ng World Health Organization (WHO) na 10 doktor sa bawat 10,000 katao.
Alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na palawakin ang mga programang medikal at pang-narsing sa bansa upang madagdagan ang bilang ng mga propesyunal sa sektor ng kalusugan, inaprubahan ng Commission on Higher Education (CHED) ang aplikasyon ng limang State Universities and Colleges (SUCs) upang magpatupad ng una at ikalawang taon ng kani-kanilang Doctor of Medicine programs simula sa Academic Year (AY) 2026-2027.
Matapos ang masusing pagsusuri at deliberasyon ng CHED Office of Programs and Standards Development (OPSD) at ng Technical Panel for Medicine, natukoy na sumusunod ang mga sumusunod na pamantasan sa minimum requirements ng CHED sa ilalim ng CHED Memorandum Order (CMO) No. 18, Series of 2016, o ang Policies, Standards, and Guidelines for the Doctor of Medicine Program:
• Visayas State University (VSU) – Rehiyon VIII
• Eastern Samar State University (ESSU) – Rehiyon VIII
• University of Eastern Philippines (UEP) – Rehiyon VIII
• Benguet State University (BSU) – Cordillera Administrative Region (CAR)
• Cotabato State University–Cotabato Regional Medical Center School of Medicine (CCSU-CRMC) – Rehiyon XII
Ang mahalagang hakbang na ito ay kaakibat ng layunin ng pamahalaan sa ilalim ng Doktor para sa Bayan Act na tugunan ang kakulangan ng mga doktor sa bansa sa pamamagitan ng pagbibigay ng mas abot-kamay at de-kalidad na edukasyong medikal sa iba’t ibang rehiyon, lalo na sa mga lugar na kulang sa serbisyong pangkalusugan gaya ng Samar, Leyte, Cordillera, at Gitnang Mindanao.
Ang Benguet State University ang kauna-unahang SUC sa Cordillera Administrative Region na magkakaroon ng programang medikal. Sa pamamagitan ng mga bagong pag-aprubang ito, matagumpay nang nakapagtatag ang administrasyon ng hindi bababa sa isang SUC na may programang medisina sa bawat rehiyon ng bansa, maliban sa bagong tatag na Negros Island Region (NIR), na nakatakdang maging susunod na prayoridad.
Sa pagpapalawak ng mga programang medikal sa mga institusyong pinopondohan ng pamahalaan, binibigyang pagkakataon ng CHED ang mga nagnanais at karapat-dapat na mag-aaral mula sa iba’t ibang rehiyon na makapag-aral ng medisina sa kanilang sariling lugar. Sa huli, inaasahang higit nitong mapalalakas ang sistema ng pangangalagang pangkalusugan at ang paghahatid ng serbisyong medikal sa mga komunidad sa buong bansa.