Nagpalabas ang Department of Budget and Management (DBM) ng paunang ₱362 milyon pondo para sa rehabilitasyon at muling pagtatayo ng mga imprastrakturang napinsala ng magnitude 7.8 na lindol sa Sarangani, General Santos City, at South Cotabato.
Ayon kay DBM Acting Secretary Kim Robert De Leon, ang pondo ay alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na mapabilis ang pagtulong at pagbangon ng mga apektadong komunidad.
Kabilang sa inilabas na pondo ang ₱100 milyon para sa rehabilitasyon ng isang multipurpose building sa General Santos City, ₱140 milyon para sa pagkukumpuni ng mga gusali, kalsada at tulay sa Sarangani, at ₱122 milyon para sa pagsesemento ng isang lokal na kalsada sa South Cotabato.
Sinabi ng DBM na bahagi lamang ito ng paunang tulong ng pamahalaan at may nakahanda pang pondo mula sa National Disaster Risk Reduction and Management Fund at Quick Response Funds para sa patuloy na relief, rehabilitasyon, at recovery efforts sa mga lugar na sinalanta ng lindol.