Pinagbabayad ng Department of Labor and Employment (DOLE) ng mahigit ₱11.4 milyon ang may-ari na si Ernest Jackson Lim at contractor na Golden Years Construction and Steelworks Corporation kaugnay ng gumuhong gusali sa Angeles City, Pampanga.
Ayon kay DOLE Acting Secretary Francis Tolentino, mahigit ₱1.1 milyon dito ang para sa hindi nabayarang sahod, kulang na pasahod, rest day premium, at holiday pay ng 57 construction workers na naapektuhan ng ipinatupad na work stoppage order.
Bukod dito, ipinataw rin ng DOLE ang higit ₱10.3 milyong multa laban sa mga respondent alinsunod sa Department Order 252, Series of 2025.
Sinabi ni Tolentino na may 10 araw ang mga respondent upang bayaran ang obligasyon, at kung mabibigo ay magsasagawa ng kaukulang legal na hakbang para sa pagpapatupad nito.
Bahagi ang kautusan sa naging imbestigasyon ng DOLE sa insidente ng pagguho ng gusali na ikinasawi ng tinatayang 30 katao. Dagdag pa ng kalihim, ipapasa rin sa mga kaukulang ahensya ang resulta ng imbestigasyon para sa posibleng administratibo, kriminal, at sibil na kaso.