Dapat sumailalim sa agarang imbestigasyon ang nag-viral na insidente, kung saan ang hindi umano naka-avail ng PhilHealth benefit ang isang miyembro nito, dahil hindi pa ito pasok sa 24 hour confinement rule o wala pang 24 oras na naka-confine sa ospital.
Ayon kay Communications Usec. Claire Castro, dapat na aware at updated ang lahat ng kawani ng PhilHealth sa lahat ng benepisyo ng tanggapan, para sa mga miyembro nito.
Sa ganitong paraan, makasisiguro na tama ang impormasyon na maibababa ng mga ito, sa mga nangangailangang pasyente.
Ayon kay Castro, maraming hakbang at programa na ipinatutupad ang pamahalaan para sa mas maayos na healthcare system sa Pilipinas. Kailangan aniyang maipaliwanag ang mga ito, nang maayos sa publiko.
Ang Marcos Administration aniya, kaliwa’t kanan ang pagkayod upang masiguro ang mas madaling access ng mga Pilipino sa de kalidad na healthcare services.
Nariyan ang Zero Balance Billing sa mga ospital ng Department of Health (DOH), maging ang mas malaki o malawak na coverage ng Philhealth sa ibat ibang uri ng karamdaman.