File Photo
Binigyang-diin ng Department of Health (DOH), ang kahalagahan ng kahandaan at mabilis na pag-aksyon sa oras ng lindol.
Ayon kay Dr. Marc Steven Capungcol, Health Emergency Preparedness Division Chief ng DOH, mahalagang isagawa ang “drop, cover, and hold” sa tuwing may pagyanig, kung saan dapat umupo o dumapa, magtago sa ilalim ng matibay na mesa, at kumapit hanggang sa matapos ang lindol.
Pinayuhan din ng opisyal ang publiko na manatiling kalmado, dahan-dahang lumabas ng gusali pagkatapos ng pagyanig, at magtungo sa isang ligtas at bukas na lugar.
Ipinaalala rin ng DOH ang paghahanda ng ’emergency go bag’ na naglalaman ng pagkain, tubig, gamot, at iba pang mahahalagang kagamitan na magagamit sa unang 72 oras matapos ang sakuna.
Samantala, binigyang-pansin din ng kagawaran ang pagsasagawa ng mga earthquake drill upang masanay ang publiko sa mabilis at organisadong pagtugon kung sakaling tumama ang malakas na lindol.