Nagsasagawa na ng follow-up operations ang Philippine National Police (PNP) laban sa apat pang indibidwal na itinuturong nasa likod ng pagpupuslit ng mga illegal na sigarilyo sa bansa.
Ito ay makaraang masabat ng mga tauhan ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang halos 2,000 kahon ng mga puslit na sigarilyo sa ikinasang operasyon sa Brgy. Liyangan, bayan ng Picong sa Lanao del Sur na nagkakahalaga ng ₱700 milyong.

Kasunod nito, pinuri ni PNP Chief, Police General Jose Melencio Nartatez Jr. ang pagkakakumpiska ng mga ipinuslit na sigarilyo gayundin ang pagkakasagip sa limang menor de edad na agad inilipat sa pangangalaga ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Katuwang ng Pulisya sa naturang operasyon ang mga tropa mula sa Philippine Army gayundin ang pagtitiyak ng seguridad sa tatlong lugar, kung saan natagpuan at nakumpiska ang mga ipinuslit na sigarilyo.
Hindi titigil ang PNP ani Nartatez sa kanilang misyong supilin ang smuggling at kaniyang inatasan ang mga tauhan nito na higit pang paigtingin ang kanilang pakikipag-ugnayan sa mga komunidad para maisakatuparan ito.