Isinusulong ng pamahalaan ang isang mas komprehensibo at nakabatay sa siyensiyang paraan upang mabawasan ang panganib ng pagbaha sa mga urbanong lugar sa pamamagitan ng “Oplan Kontra Baha,” isang multi-sector na inisyatiba na gumagamit ng pagsusuri ng datos, simulation modeling, imprastraktura, at nature-based solutions.
Sa panayam sa programang Bagong Pilipinas Ngayon sa PTV noong Martes, sinabi ni Mahar Lagmay ng Project NOAH (Nationwide Operational Assessment of Hazards) ng Unibersidad ng Pilipinas na mahalaga ang koordinasyon ng buong pamahalaan at lipunan upang makabuo ng mga solusyong nakabatay sa watershed para sa mga lungsod na madalas makaranas ng matinding pagbaha.
Kabilang sa mga prayoridad na lugar ang Metro Manila, Cebu, Bacolod sa Negros Island, at Naga sa Camarines Sur, kung saan mas madalas at mas malala na ang pagbaha sa mga nakalipas na taon.
Ayon kay Lagmay, hindi lamang iisang dahilan ang sanhi ng pagbaha kundi kombinasyon ng iba’t ibang suliranin tulad ng basura, pagsisilt ng mga kanal, at mga harang sa daluyan ng tubig.
“Alam naman natin, ang baha ay hindi naman isang dahilan lang kung bakit nagkakabaha. It’s a combination of many factors,” ani Lagmay.
Dahil dito, iginiit niya na kinakailangan ang magkakaugnay na hakbang upang mabawasan ang panganib ng pagbaha. Kabilang sa mga ito ang dredging, pagtatayo ng pumping stations, pagpapahusay ng drainage systems, at paglikha ng mga parke, retention at detention basins, at bioswales na makatutulong sa mas maayos na daloy ng tubig.
Sinabi rin ni Lagmay na ang kasalukuyang estratehiya ng Oplan Kontra Baha ay lumalayo sa mga pansamantalang solusyon at nakatuon sa mga proyektong may matibay na siyentipikong batayan.
“So, ngayon, ang ating Oplan Kontra Baha ay hindi lamang iyong diretsong iisip tayo, ‘Ay, maglagay ng dike. Ay, magtanggal ng basura.’ Mas comprehensive po ang ginagawa natin, mas may scientific basis, targeted para iyong ating investments ay hindi nasasayang,” aniya.
Binigyang-diin din niya na ang lahat ng proyektong ipatutupad sa ilalim ng programa ay kinakailangang dumaan sa koordinasyon sa Department of Public Works and Highways (DPWH) upang matiyak ang maayos at epektibong pagpapatupad.
Nagbabala rin si Lagmay na pinalalala ng climate change ang tindi ng pag-ulan sa bansa, dahilan upang maging hindi na sapat ang mga dating batayan sa pagtataya ng panganib ng pagbaha. Aniya, maging ang mga lugar na dating itinuturing na mababa ang panganib ay nakararanas na rin ng pagbaha dahil sa mas matitinding pag-ulan.
Para sa pangmatagalang solusyon, binigyang-diin niya ang kahalagahan ng reforestation, retention basins, at pangangalaga sa mga likas na daluyan ng tubig. Aniya, isa sa mga pangunahing dahilan ng pagbaha sa mga lungsod ang pagtatayo ng mga imprastraktura at komunidad sa mga natural na daanan ng tubig.
Mahalaga rin, ayon kay Lagmay, ang paggamit ng hazard maps at pagpapalawak ng kamalayan ng publiko upang mapabuti ang pagtugon sa mga sakuna. Kabilang dito ang pagbibigay-babala sa mga residente na umiwas sa mga lugar na madalas bahain at ang maagap na paglikas sa mga nasa high-risk zones.
Bukod sa pagpapatupad ng mga programang pangkontrol sa baha, iginiit ni Lagmay na mahalaga rin ang mas malawak na edukasyon ng publiko.
“Marami pa po tayong kailangan na gawin, kailangan natin mass education para sa mga taong nakatira doon sa mga bahaing lugar… kailangan ng more awareness at saka iyong more participation ng mga tao,” aniya.
Sa pamamagitan ng siyentipikong pag-aaral, koordinadong pagpapatupad ng mga proyekto, at aktibong pakikilahok ng publiko, inaasahan ng pamahalaan na mas mapapalakas ang kakayahan ng mga komunidad na makaiwas at makabangon mula sa epekto ng matitinding pagbaha.