Nakahanda ang Quezon City Local Government na maglaan ng tulong para sa mga komunidad na naapektuhan ng magnitude 7.8 na lindol sa Mindanao.
Sa QC Journalists Forum, sinabi ni Quezon City Disaster Risk Reduction and Management Office (QCDRRMO) Chief Bianca Perez na patuloy ang kanilang koordinasyon sa mga munisipalidad na pinadapa ng malakas na lindol para matukoy ang mga kinakailangang tulong.
Nagkasa na rin ang DRRM Council ng emergency meeting para talakayin ang humanitarian aid at financial assistance na maaaring ilaan ng lungsod para sa mga biktima ng kalamidad.
Inaasahang pag-uusapan din sa pagpupulong ang iba pang suporta na maaaring ipadala ng QC LGU na makatutulong sa pagbangon ng mga residente sa mga apektadong lugar.