Hinimok ng Philippine National Police (PNP) ang mga tagasuporta ng iba’t ibang grupo na manatiling kalmado at igalang ang tuntunin ng batas.
Ito’y kasunod ng mga inaasahang kilos-protesta kaugnay ng isinagawang special session ng Kongreso ngayong Miyerkules, June 17.
Ayon kay PNP Chief, Police General Jose Melencio Nartatez Jr., matagal nang nakapaghanda ang pulisya ng angkop at maingat na mga tugon para sa ano mang posibleng pangyayari, lalo na sa Senado.
Gayunman, binigyang-diin niya na hindi kailangang magsagawa ng ano mang aktibidad na lalampas sa karapatan ng mamamayan sa mapayapang pagtitipon at pagpapahayag ng kanilang mga hinaing.
Ipinatawag ng Pangulo ang special session sa pamamagitan ng Proclamation No. 1318, para talakayin at pagpasiyahan ng Kongreso ang mahahalagang panukalang batas na hindi pa natatapos ngunit nasa masusing yugto na ng proseso ng legislation.