Nagsasagawa na ngayon ng validation ang Philippine National Police (PNP) sa mga ulat at intelligence inputs hinggil sa umano’y pagpapatuloy ng operasyon ng mga “guerrilla-style” scam hubs sa ilang bahagi ng bansa.
Ito’y matapos ilunsad ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang kampanya laban sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGO).
Kasunod ito ng babala ni dating House Quad-committee over all Chairperson Robert Ace Barbers, na may mga ulat ng umano’y POGO-linked scam networks na patuloy na kumikilos sa Binondo sa Maynila at Baclaran sa Parañaque gayundin sa Palawan at Cebu.
Ayon kay PNP Chief, PGen. Jose Melencio Nartatez Jr., bagaman maraming scam hubs na ang kanilang nalansag sa nakalipas na mga buwan, nagpapatuloy pa rin ang intelligence-gathering at koordinasyon sa iba pang law enforcement agencies upang supilin ang mga natitirang illegal na operasyon.
Hinimok din ng PNP ang publiko na agad iulat sa mga awtoridad ang ano mang impormasyon na may kaugnayan sa mga hinihinalang scam hub upang mapabilis ang imbestigasyon at operasyon laban sa mga ito.