Pinaalalahanan ng Philippine National Police (PNP) ang lahat ng educational institution sa buong bansa na mahigpit na ipatupad ang kanilang mga panloob na hakbang sa seguridad.
Ito’y ayon kay PNP Chief, Police Gen. Jose Melencio Nartatez Jr., para matiyak na mananatiling ligtas ang mga paaralan para sa mga estudyante.
Ginawa ng PNP Chief ang paalala matapos ang isang marahas na insidente ng pananaksak na ikinasugat ng pitong mag-aaral sa elementarya sa loob ng isang pribadong paaralan sa General Trias City, Cavite noong Martes, June 16.
Labis na ikinabahala ni Nartatez ang insidente lalo’t dapat ligtas sa mga mag-aaral ang bawat paaralan para sa kanilang pag-unlad at pagkatuto.
Batay sa inisyal na imbestigasyon, isang 14-anyos na babaeng mag-aaral sa Grade 8 ang pumasok sa silid-aralan ng Grade 5 at sinaksak ang mga mas batang mag-aaral gamit ang isang kutsilyong pangkusina.
Nagtamo ng malulubhang sugat ang mga biktima na kasalukuyan nang nasa ligtas nang kalagayan.
Nabatid na dumadalo umano ang mga guro sa isang pagpupulong nang mangyari ang insidente, kaya pansamantalang walang nagbabantay sa silid-aralan.
Dahil dito, inatasan ni Nartatez ang Police Regional Office 4A at Cavite Provincial Police Office na imbestigahang maigi ang insidente.
Alinsunod ito sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. na panatilihin ang kaligtasan ng publiko at tiyaking ligtas ang mga pasilidad pang-edukasyon para sa mga mag-aaral na Pilipino.