Pinangungunahan ni Lead Prosecutor Gerville Luistro ang team kasama ang mga miyembro ng House prosecution panel na kinabibilangan nina Reps. Jose Manuel Diokno, Leila de Lima, Ysabel Maria Zamora, Lorenz Defensor, Jonathan Keith Flores, Ramon Rodrigo Gutierrez, Lordan Suan, Joel Chua, at Terry Ridon sa isinagawang pre trial conference sa Senado.
Kasama rin nilang nagtungo sa mataas na kapulungan ang mga itinalagang private prosecutors na lalahok upang magsilbing gabay at katuwang prosecution team.
Hindi naman nakadalo si Rep. Kaka Bag-ao, na miyembro rin ng prosecution team, dahil sa pagpanaw ng kanyang ama.
Naroon din sa pagdinig ang panig ng defense panel na siyang kakatawan sa Bise Presidente.
Pinangunahan ni Atty. Renato Bantug Jr., ang Clerk of the Impeachment Court at Senate Secretary ang pre-trial conference.
Layon ng pre-trial na linawin at i-simplify ang mga isyung tatalakayin sa paglilitis, tukuyin ang mga ebidensya at mga saksing ihaharap ng magkabilang panig, admissions of facts, at resolbahin procedural issues upang matiyak ang isang maayos, patas, at mabilis na takbo ng impeachment trial.
Ang pag-usad ng pre-trial conference na ito ay bahagi ng paghahanda ng Senado bago ito pormal na mag-convene bilang isang ganap na Impeachment Court sa darating na July 6. | ulat ni Melany Reyes