Pinalalakas ng Department of Justice (DOJ) ang kakayahan ng mga piskal at imbestigador sa pagsisiyasat ng mga kasong may kaugnayan sa ilegal na pananalapi at mga krimeng pangkalikasan bilang paghahanda sa 2027 Asia/Pacific Group on Money Laundering Mutual Evaluation.
Sa pakikipagtulungan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) at sa konsultasyon ng Anti-Money Laundering Council (AMLC), nagsagawa ang DOJ ng tatlong araw na special training sa financial investigations para sa mga kasong may kaugnayan sa wildlife at forest crimes.
Dinaluhan ito ng mga miyembro ng DOJ-National Prosecution Service Task Force on Environmental Crimes, mga piskal mula sa iba’t ibang rehiyon, mga tauhan ng DENR, National Bureau of Investigation (NBI)-Environmental Crimes Division, at Philippine National Police (PNP)-Maritime Group.
Pinangunahan ni Prosecutor General Richard Anthony D. Fadullon ang pagbubukas ng programa, habang si Department of Justice Undersecretary Nicholas Felix L. Ty naman ang nagsara ng pagsasanay.
Nagbigay rin ng presentasyon si Deputy State Prosecutor Margaret V. Castillo-Padilla, pinuno ng Task Force on Environmental Crimes, hinggil sa mas epektibong pagbuo ng mga kasong may kaugnayan sa environmental crimes at money laundering.
Layunin ng programa na mapaigting ang kakayahan ng mga awtoridad sa pagtukoy, pagsubaybay, at pagbuo ng ebidensyang pinansyal laban sa mga sangkot sa mga krimeng pangkalikasan at mga kaugnay na kaso ng money laundering.


