Nagsimula nang maghatid ng pabahay sa mga residente sa Naga City ang Expanded Pambansang Pabahay para sa Pilipino o 4PH Program ng Administrasyong Marcos Jr.
Ito ay matapos ang isinagawang turnover ng Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) ng modular shelter units sa mga pamilyang nakatira sa danger zones at mga gilid ng waterways.

Isinagawa ang turnover kasabay ng pagdiriwang ng anibersaryo ng Naga City Charter na pinangunahan ni Mayor Leni Robredo, kasama si DHSUD Secretary Jose Ramon Aliling.
Kabilang sa ipinamahaging modular shelter units ang matatagpuan sa Barangay Pacol na magiging bahagi ng Bayanihan Village para sa mga pamilyang naapektuhan ng clearing operations at mga panganib dulot ng kalamidad.
Kasabay nito, isinagawa rin ang groundbreaking ceremony para sa Naga City Rental Housing Project.

Ayon kay Sec. Aliling, patunay ang programa sa seryoso at may malasakit na serbisyong pabahay ng administrasyong Marcos Jr.
Binigyang-diin din ng DHSUD na patuloy itong makikipagtulungan sa mga LGU, shelter agencies, at pribadong sektor para mas maraming pamilya ang mabigyan ng ligtas at disenteng pabahay.