Binigyan ng bagong paglalarawan ng Department of Agriculture-Philippine Coconut Authority (DA-PCA) ang niyog o buko bilang “Crop of Opportunity” mula sa dati nitong katawagang “Tree of Life.”
Ayon kay DA-PCA Project Development Officer III Lourdes Faith Matchoc, ang niyog ay isang uri ng palm o palma at hindi isang uri ng puno, habang ang bunga nito ay isang drupe at hindi tree nut.
Paliwanag ni Matchoc, batay sa inilabas na guidelines ng United States Food and Drug Administration (US FDA), dating kabilang ang niyog sa listahan ng mga major food allergen ngunit inalis na ito sa nasabing talaan.
Kabilang na lamang sa listahan ng mga major food allergen ng US FDA ang gatas, itlog, isda, crustacean shellfish, tree nuts (almonds, walnuts, at cashews), wheat, peanuts, soybeans, at sesame.
Samantala, aabot sa 89 na produkto sa merkado ang mula sa niyog, kabilang ang Virgin Coconut Oil, Coconut Jam, Coconut Water, Coco Sugar, bunot, kopra, at iba pa.
Malaki rin ang ambag ng industriya ng niyog sa ekonomiya ng bansa, na may average export earnings na US$4.1 bilyon mula sa 44 agricultural at 27 industrial coconut products.
Dagdag pa ng DA-PCA, mahigit tatlong milyong aktibong magsasaka ng niyog ang naitala sa bansa. Patuloy rin ang pagtatanim ng mga punla ng niyog at pagpapatupad ng mga programang panlipunan, pangkalusugan, medikal, pang-iskolar, at pautang para sa mga magsasaka sa ilalim ng Coconut Farmers and Industry Development Plan (CFIDP).