Tuluyan nang binawi ng Land Transportation Office (LTO) ang lisensya sa pagmamaneho ng rider na sangkot sa viral na insidente ng pananakit sa kapwa motorista sa Sampaloc, Manila noong June 1.
Batay sa naging resolusyon ng LTO, revoked na ang driver’s license ng nanakit na motorista at siya rin ay habangbuhay nang hindi pahihintulutang makakuha ng lisensya.
Ayon kay LTO Chief Asec. Markus Lacanilao, malinaw na ang inasal ng rider ay salungat sa mga prinsipyo ng responsableng pagmamaneho at lubhang delikado hindi lang sa mga kapwa motorista kundi maging sa iba pang gumagamit ng kalsada.
Kaugnay nito, muling pinaalalahanan ng LTO ang mga motorista na panatilihin ang disiplina at respeto sa kalsada, dahil walang sinuman ang palalampasin sa paglabag sa batas trapiko.