Photo courtesy of Department of Agriculture
Tuluyan nang wawasakin ang shipment ng imported na sibuyas na inabandona sa Manila International Container Port (MICP).
Kasunod ito ng rekomendasyon mula sa Bureau of Plant Industry (BPI) matapos makumpirma sa laboratory tests na hindi na ito ligtas pang ikonsumo.
Laman ng shipment ang humigit-kumulang 72,215 sako o nasa 650 metric tons ng pulang sibuyas mula China.
Ayon sa BPI, dumating ang mga sibuyas noong Disyembre 2025 hanggang Enero 2026 ngunit iniwan lang umano ito ng importer sa pantalan, dahilan para mabulok na ang karamihan sa mga ito.
Sinabi rin ni Agriculture Sec. Francisco Tiu Laurel Jr. na hindi na nito pahihintulutan pang mapunta sa merkado ang mga sibuyas na maaaring magdulot ng panganib sa kalusugan.
“The results of the laboratory analysis clearly show that the shipment poses serious health risks and is no longer fit for human consumption. We cannot allow these to enter the market,” ani Tiu Laurel.