Pinangunahan ng Embahada ng Pilipinas sa Thailand ang isang makulay at masiglang pagdiriwang para sa ika-128 anibersaryo ng Araw ng Kalayaan noong Hunyo 12, 2026, na nagtampok sa yaman ng kulturang Pinoy at pagkakaisa ng komunidad.
Nabago ang kapaligiran pinagdausan ng aktibidad at nagmukha itong isang mainit at buhay na sala ng tradisyunal na tahanang Pilipino, na binalot din ng masasarap na putaheng Filipino at tugtugan.
Sa halip na mga talumpati, pormal na binuksan ang gabi sa pamamagitan ng isang kahanga-hangang eksibisyon ng sining. Itinitampok dito ang mga obra ng mga Biswal na Artistang Pilipino sa ilalim ng Art Show Philippines na pinamunuan ni Frederick Epistola. Humanga sa mga likhang-sining ang mga dumalong panauhin, kabilang ang mga embahador mula sa iba’t ibang bansa, mga opisyal ng pamahalaang Thai, at mga miyembro ng komunidad ng mga Pilipino sa Bangkok.
Sa kanyang naging talumpati, binigyang-diin ni Amb. Millicent Cruz Paredes na ang Pilipinas—na kasalukuyang tumatayong Tagapangulo (Chair) ng ASEAN, ay patuloy na nag-aalaga at nagpapatibay sa aktibong pakikipagtulungan nito sa Thailand. Inilatag din niya ang mga kasalukuyang inisyatiba at mga pangarap na magkatuwang na ipinaglalaban ng dalawang bansa.
Naging highlight ng gabi ang sorpresang pagdating ni Thailand Prime Minister Anutin Charnvirakul bilang panauhing pandangal. Ikinuwento ng Prime Minister ang kanyang matagal nang pagkakaibigan kay Embahador Paredes. Ang kanyang pagdalo ay nagpapakita ng matatag na diplomatikong ugnayan ng dalawang bansa bilang mga tagapagtatag na miyembro ng ASEAN. Umikot ang kanyang mensahe sa tema ng pakikipagkaibigan at magkatulad na pamanang kultural.
Nagtapos ang selebrasyon sa isang masiglang konsiyerto ng chorale group na Song Weavers, na nagbigay ng saya at nag-iwan ng alaala ng pagkakaisa sa lahat ng dumalo. Habang ipinagdiriwang ng mga Pilipino sa buong mundo ang Araw ng Kalayaan, ang aktibidad sa Bangkok ay nagsilbing patunay sa makulay na kultura at matibay na ugnayan ng mga Pilipino sa loob at labas ng bansa.
📷 PH Embassy in Thailand




