Kinilala ng Department of Education (DepEd) ang kahalagahan ng Scouting na layong palakasin ang mga programa sa kaligtasan, kapakanan at paghubog ng mga mag-aaral nang may disiplina, paglilingkod gayundin ang kahandaan.
Ito ang tinuran ni Education Secretary Sonny Angara nang dumalo ito sa pagpupulong ng Boy Scouts of the Philippines (BSP) National Council.
Dito, tinalakay ang mga paraan upang higit pang palakasin ang pagsasanay ng mga mag-aaral sa survival at paghahanda sa iba’t ibang sakuna.
Napapanahon aniya ito lalo’t mahalaga ang nasabing paksa kasunod ng nangyaring trahedya sa Aurora kamakailan na ikinasawi ng dalawang student-athletes ng Ateneo de Manila University.
Binigyang-diin ni Angara na nagsilbing paalala ito sa kahalagahan ng kaalamang pangkaligtasan sa tubig, wastong pagsasanay, at pagiging laging handa sa iba’t ibang emergency.