Minaliit ng Department of National Defense (DND) ang reklamong inihain ni Atty. Russel Miraflor atbp sa Pasay City Prosecutor’s Office laban kay Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr.
Kaugnay ito sa sinasabing paglabag umano ng kalihim sa Republic Act 8239 ang Philippine Passport Act dahil sa pagkakaroon nito ng dalawang pasaporte sa iligal na paraan.
Inakusahan kasi ng mga petitioner si Teodoro ng perjury o pagsisinungaling dahil sa pagkakaroon pa rin umano nito ng Maltese passport na mag-eexpire na ngayong taon.
Pero ayon kay Defense Assistant Secretary Erick Dy, dapat suportado ng ebidensya ang lahat ng reklamo lalo na sa kasong perjury at hindi nagmula sa mga tsismis o alingasngas lang.
Mananatili aniyang akusasyon lamang ang mga ito hangga’t walang beripikadong ebidensyang magpapatunay sa naturang paratang.
Una nang sinabi ng kagawaran na isinuko na ng kalihim ang kaniyang Maltese passport noong 2021 matapos siyang maghain ng kandidatura para senador noong 2022 elections.