Ligtas nang nakabalik sa bansa ang 24 na Pilipinong manggagawa na siyam na buwang nakadetine sa Yakutsk, Russian Federation, matapos mamagitan si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. at hilingin ang kanilang pagpapalaya sa pamahalaan ng Russia.
Dumating sa Maynila ngayong Hunyo 21 ang mga Pilipino at sinalubong sila nina Foreign Affairs Secretary Ma. Theresa Lazaro at iba pang opisyal ng Department of Foreign Affairs (DFA).
Ayon sa DFA, personal na inihain ni Pangulong Marcos ang kanilang kaso kay Russian President Vladimir Putin sa kanilang bilateral meeting sa sidelines ng ASEAN-Russia Commemorative Summit sa Kazan noong Hunyo 17.
Kasunod ng apela ng Pangulo, agad umanong pinadali ng mga awtoridad ng Russia ang pagpapalaya sa mga Pilipino noong Hunyo 19, na nagtapos sa halos siyam na buwang pagkakakulong at pangamba ng kanilang mga pamilya.
Nagpasalamat naman si Pangulong Marcos kay President Putin at sa mga awtoridad ng Russia sa mabilis na pag-aksyon sa usapin. Ang DFA ang nakipag-ugnayan sa mga awtoridad ng Russia para sa repatriation ng mga nasabing OFW, habang nagbigay naman ng tulong ang Department of Migrant Workers (DMW) at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) upang matiyak ang kanilang ligtas na pagbabalik sa Pilipinas.
📸 DFA