Ipinag-utos na ni Land Transportation Office (LTO) Chief Assistant Secretary Markus Lacanilao ang paglalabas ng Show Cause Order (SCO) sa ahensya at itinalagang driver ng isang government vehicle na sangkot sa isang viral na insidente ng paglabag sa batas-trapiko.
Sa video, makikitang hindi huminto ang isang Toyota Fortuner na may pulang plaka sa kabila ng pulang ilaw ng traffic signal.
Sa isinagawang verification ng LTO, lumalabas na paso na rin ang rehistro ng naturang sasakyan.
Dahil dito, inatasan ng LTO sa pamamagitan ng Intelligence and Investigation Division (IID) ang kinatawan ng sangkot na ahensya at ang itinalagang driver na humarap sa LTO Central Office, para magpaliwanag kung bakit hindi sila dapat managot sa mga kasong administratibo na kinabibilangan ng Reckless Driving, Failure to Give Proper Signal, Compulsory Registration of Motor Vehicle, Disregarding Traffic Signs, at Improper Person to Operate a Motor Vehicle.
Ayon kay LTO Chief Asec. Lacanilao, walang puwang sa kalsada ang mga motorista na hindi sumusunod sa batas, lalo na kung ang sangkot ay isang sasakyang pag-aari ng gobyerno.
“No one is above the law. Mas mataas ang inaasahang antas ng disiplina at pananagutan sa mga gumagamit ng government vehicles dahil sila mismo ang dapat maging halimbawa sa pagsunod sa batas-trapiko. Hindi natin kukunsintihin ang anumang paglabag, anuman ang katayuan ng sasakyan o ng taong sangkot,” ani Lacanilao.