Pumanaw na ang motorcycle rider na si Alexander Cruz matapos itong mabangga ng kasalubong nitong SUV habang papaliko sa panulukan ng Russet St. at Gen. Ordoñez Ave. sa Marikina City.
Batay sa kuha ng CCTV, makikitang nasa yellow box na ang rider at papaliko na nang banggain ito ng humaharurot na isang SUV, na sinasabing minamaneho ng isang David de Guzman na anak umano ng Vice Mayor ng Marikina.
Dahil sa lakas ng pagkakabangga, tumilapon ang motorcycle rider na si Cruz na dahilan ng kaniyang pagiging comatose ng isang linggo bago tuluyang bawian ng buhay sa ospital.
Si Alex na isang Guro sa Pamantasang Lungsod ng Marikina ay binigyang-pugay ng kaniyang mga dating estudyante at ginawan pa ng Facebook page.
Sigaw nila ang patas na imbestigasyon at papanagutin sa batas ang may kasalanan ng walang kinikilingan, walang impluwensya, at walang pinoprotektahan.
Kasunod nito, plano na ng pamilya ni Cruz na itaas sa homicide ang kasong kanilang isasampa laban sa nakabanggang motorista.