Hawak na ngayon ng Police Regional Office 3 ang gunman at utak sa pagpatay sa isang Korean national sa Brgy. Pias, General Tinio, Nueva Ecija nitong Hunyo 16.
Sa pulong-balitaan sa Camp Crame ngayong umaga, kinilala ni PRO 3 Director PBGen. Jess Mendez ang mga naaresto na sina alyas “Jao,” na siyang gunman, at alyas “Andrea,” na umano’y mastermind sa krimen.
Ayon kay Mendez, pera ang motibo sa krimen dahil hindi nakapag-remit si Andrea sa biktimang si Shin Bong Sub, isang beauty products distributor na sinasabing sangkot din sa kalakalan ng ilegal na droga.
Dahil dito, pinagplanuhan umano ng mga suspek na patayin ang dayuhang biktima, kung saan narekober naman ang baril na ginamit sa krimen.
Sa pamamagitan ng intelligence gathering, CCTV backtracking, at forensic examination, natunton ng mga awtoridad ang getaway vehicle na ginamit sa krimen.
Magkasunod ding naaresto ang mga suspek noong Hunyo 19 sa Angeles City at Clark, Pampanga, at nasampahan na sila ng kasong murder.
Dahil dito, sinabi ni Mendez na itinuturing na nilang case solved ang krimen.


