Nasawi ang tatlong indibidwal habang lima naman ang sugatan matapos ang isang insidente ng pamamaril sa loob mismo ng San Jose National High School bandang alas-9:00 ngayong umaga, June 22, 2026.
Ayon sa paunang ulat mula sa Tacloban City Police Station 1 (PS1), nakatanggap ng tawag ang kanilang himpilan hinggil sa nagaganap na pamamaril sa nasabing paaralan. Agad namang rumesponde ang mga tauhan ng PS1 kung saan kinumpirma ang trahedya.
Ang mga suspek: isang menor de edad, nadakip; isa pa, pinaghahanap sa pinakahuling impormasyon mula sa mga awtoridad. Nahuli ang isang suspek na kinilala bilang isang Child in Conflict with the Law (CICL) na residente rin ng Brgy. San Jose, Tacloban City. Kasalukuyan na itong nasa kustodiya ng mga pulis. At Large ang isang kasamahang suspek na mabilis na nakatakas at kasalukuyan pang pinaghahanap sa ikinasang manhunt operation.
Dinala na sa pinakamalapit na ospital ang limang sugatan upang lapatan ng lunas, habang inaalam pa ang pagkakakilanlan ng tatlong nasawi at ang motibo sa likod ng marahas na krimen.
Kasalukuyan pang gumagalaw ang imbestigasyon ng Tacloban City Police Office sa crime scene. | ulat ni Ma. Daisy Amor Lalosa-Belizar | RP Borongan