Photo courtesy of DSWD
Umabot na sa 500,724 family food packs (FFPs) ang naihatid ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa mga lugar na labis na naapektuhan ng magnitude 7.8 na lindol sa Mindanao.
Ayon sa DSWD, nakapaghatid na rin ang ahensya ng 10,364 ready-to-eat food boxes at 13,125 non-food items sa mga komunidad sa Zamboanga Peninsula, Davao Region, SOCCSKSARGEN, at BARMM.
Sumampa na rin sa ₱378-milyon ang halaga ng humanitarian assistance na naipamahagi ng DSWD para sa mga apektadong komunidad.
Samantala, bukod sa pagbibigay ng pangunahing pangangailangan, nagsasagawa rin ang DSWD ng play therapy at coloring activities para sa mga batang naapektuhan ng lindol sa Sarangani.
Isinagawa ang aktibidad sa loob ng child-friendly space kung saan ligtas na nakakapaglaro at naipapahayag ng mga bata ang kanilang nararamdaman.
Ayon sa DSWD, bahagi ito ng psychosocial support para matulungan ang mga bata na maibsan ang takot at epekto ng trauma dulot ng lindol habang unti-unting bumabalik sa normal na sitwasyon.
Patuloy naman ang koordinasyon ng DSWD sa mga lokal na pamahalaan para matiyak ang tuloy-tuloy at mabilis na paghahatid ng tulong sa mga apektadong komunidad.
