Sinabi ni Senate Secretary at Impeachment Clerk of Court Atty. Renato Bantug Jr. na hindi pa natatapos ngayong araw ang isinasagawang pre-trial conference para sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
Ayon kay Bantug, ngayong Lunes ay para na lamang sa dalawang articles of impeachment ang pagmamarka (Articles 1 at 2), dahil natapos na nila ang pagmamarka sa Articles 3 at 4 noong Huwebes, June 18.
Ibinahagi ni Bantug na nasa 4,000 dokumento ang kailangang markahan para lamang sa Article 1 (confidential funds).
Dahil dito, inaasahan pa niyang mas mauunang matapos ang pagmamarka para sa Article 2 (unexplained wealth).
Samantala, sinabi naman ni Atty. Michael Poa, isa sa defense counsel ni VP Sara, na posibleng umabot pa hanggang Huwebes ang pre-trial conference.
Ayon kay Poa, bagama’t nais nilang mabilis na matapos ang pre-trial conference upang makapaghanda na para sa mismong trial, natatagalan sila dahil sa dami ng mga dokumentong kailangang markahan, partikular para sa Articles 1 at 2.
Kabilang na aniya rito ang COA reports, acknowledgement receipts, at Statements of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN).
Nilinaw naman ni Poa na wala silang bina-block o hinaharangan na ebidensya sa pre-trial conference. Kasabay nito ang paglilinaw na ang ginagawa lamang sa pre-trial conference ay pagmamarka ng mga dokumento, at hindi ito nangangahulugang kinukumpirma o tinatanggap na ang mga ebidensyang inihaharap ng prosekusyon.